Sinimulan ko ang araw ko ng normal, pagkabangon nag-exercise konti, naghilamos, nagtimpla ng kape, kumain ng almusal, nagsimula magtrabaho. Inaalala at natatawa dahil nung lumipas na Biyernes, niloko ko si mama na buntis ako kaya ako nahihilo, ang laki ng ngiti niya sa akin, maaring dahil oo naniniwala siya o baka alam niyang niloloko ko siya. Noong Linggo din, tinanong ko siya kung kumain na siya, at sinagot nya ko ng deretso ng “oo”. Di na siya malinaw magsalita gawa ng halos 8 taon na siyang bed-ridden dahil sa stroke. Gulat na gulat ako, gulat na masaya.
Pagdating ng tanghali kinatok ako ng kuya ko, paglabas ko ng pinto narinig ko na agad, hirap na hirap si mama huminga, nilapitan ko at paghawak ko ng dibdib nya, madami ngang plema. Sinusubukan naming siyang kalmahin habang hinahanda na din naming ang nebulizer, paulit-ulit kong sinasabi sa kanya na “Mama, kalma ka lang. Nandito lang kami. Kinukuha na gamot mo.” – mahirap para sa amin na nakikita siyang ganito, ilang beses na din siyang dinala sa ospital nung mga nakaraang taon na lumipas, pero lagi kaming umaasa na magiging ok siya. Kinakabahan ako habang hawak ko ulo at dibdib niya, nakatingala lang siya na parang di kami naririnig. Tinanong ko siya, “Ma, nasaan ka?”, paulit-ulit ko sinasabi sa loob ng utak ko na “Ma, tumingin ka sakin please”. Nung dumating na si Toi at ni-nebulize siya, lumuwag na yung paghinga niya at tinagilid namin siya para lumabas ang mga plema niya, kumalma kami nung nakita namin na lumalabas na at dahil na din siguro sa gamot, unti-unti na kumalma si mama. Bumalik na kami sa mga trabaho naming at nakabantay si Ate Alice kay mama.
4:30 pareho pa kaming may meeting ng kuya ko, kumatok si Ate
Alice, pagpunta ko ng kwarto maputla na si mama, hindi na sya humihinga, may
nilabas daw na madaming plema pagkatapos nagkaganun na, nag CPR na si Totoi,
tumakbo na ko sa barangay para sa ambulansya. Habang nasa ambulansya kami
hinawakan ko ulit dibdib niya, meron pang mahinang-mahinang heartbeat. Sabi ko
sarili ko kaya pa to, pero iba na din ang ihip ng hangin, hindi ko lang
pinapansin, ayoko pansinin.
Pagdating sa ospital pinilit kong maasikaso kami agad kahit may mga sinasabi sila na “Maam bakit dito nyo dinala may mas malapit na ospital sa inyo”, “Puno na po kami kasi”, “Maam bakit wala kang mask?”, “Ilipat nyo po siya sa ibang ospital”, nagtaas na ko ng boses “ANO? HINDI NA SIYA HUMIHINGA! DI BA EMERGENCY TO?!” ayon may lumapit na ibang nurse, binaba na nila at pinasok emergency, dumating na din si Toi na nagpark lang ng kotse, nakasunod lang siya nung nasa ambulansya kami.
Sobrang bilis lang din ng mga pangyayari yung mga babayaran,
mga papel na kailangang sagutan, kahit ano na gagawin ko basta maasikaso lang
si mama ng mga doktor, pagbalik ko kay Toi, nire-revive na daw si mama, kausap
siya nung doctor na naka full PPE, hindi ko naiintindihan dahil mahirap din
magkarinigan dahil sa mga mask namin, mahirap din intindihin dahil sa loob ko,
hindi ko na din makalma sarili ko kahit na hindi halata. Wala akong
naiintindihan. Pumasok ulit yung doctor at naupo kami sa labas ni Totoi at Ate
Alice, paglabas ni doc, 2 try na lang daw ng injection na pampatibok ng puso
ang mabibigay, 20 mins nang hindi humihinga si mama. Pumayag na kami, lahat ng
pwedeng gawin, gawin na. Pagpasok ulit ni doc nag-usap na kami ni Totoi, sabi
nya “Mai, ‘pag ito hindi gumana, wala na, ok lang ba sayo?” nakatingin ako sa
mga kotse na dumadaan, “Wala naman tayong choice”. Di naman natin makokontrol
talaga, kapag wala na, wala na talaga.
Dumating na si Jen, nagusap na sila ni Totoi, naglalakad ako
pabalik-balik sa labas ng emergency room, pinipilit sumilip sa siwang ng pinto
kung saan nakikita ko ang mga paa ng nanay ko, na hindi gumagalaw. Umaalog lang
dahil sa pag-revive. Sabi ko sa sarili ko, “Alam mo Maiah na mangyayari din ito,
handa ka na ba? Handa ka na.”
Paglabas ng doctor, kasabay ng iba pang mga pagod na doctor
na mukang natalo, nagsabi na sila ng mga condolence, at dahil sa “medyo” symptoms
ng Covid19 ang case ni mama, kailangan naming mag self-quarantine ng 14 days,
bawal naming siya lapitan, 6 hours dapat makuha na siya ng Funeral Homes, 12
hours dapat ma-cremate na agad, hindi na nila matetest kasi matagal din ang
resulta. Walang embalsamo, walang burol, basta bawal lapitan. Nasa pinto kami
nakatingin sa katawan ni mama, suot yung daster na binili ko sa SM department
store, yung diaper na hindi na napalitan ng hapon, at maliban pa doon, naramdaman
ko ulit yung pakiramdam ko nung nakita ko si papa dati nung namatay, wala na siya
dito, hindi na siya ito. Kailangan naming asikasuhin ang mga bagay-bagay.
Tawagan ang mga dapat tawagan, mamaya na iiyak. "Si mama muna, last na ‘to,
last na ‘to".
Pagdating ng gabi, napagdesisyonan namin ni Toi na gawin na
lang lahat online, mahirap lumuwas, walang masasakyan, bawal din ng may ganap
sa bahay. Kailangan na din naming pumili ng urn. Yung pinaka-maganda dapat,
yung bagay sa aesthetics namin at ni mama. Yung pang pelikula, kasi yung buhay
ni mama, papasang pelikula, 8 taon na bed ridden, 6 na mga pasaway na anak, 3
asawa, at 1 matatag at mapang-unawang puso. Isama mo pa na kamuka siya ni
Miriam Defensor Santiago. Ang ganda, ma. Ang ganda-ganda mong tao. Ikaw yung
best example ng grace under pressure, workaholic pero hindi kami napabayaan,
pinalaki mo kami na alam namin ang aming halaga bilang isang indibidwal, mga
tao na kayang maging maayos kahit hindi mabait ang mundo, na kahit ano pa ang mangyari
kapag magkakasama at naguusap ng maayos nagagawa ang mga dapat at tamang gawin.
Na ikaw ay mananatiling bahay na uuwian namin, kahit saan man kami dalhin ng
buhay. Na kapag hindi na maayos sa labas, nandito ka sa loob ng mga puso namin,
kung saan kami makakapagpahinga para maging matatag ulit. Sana makumpleto mo
ang mga requirements mo sa susunod mong byahe, ok lang kami dito, ang lalaki na
namin. Kaya na namin, handa na kami magpaalam, pero aasahan ang panahon na
magkakasama tayo ulit, sa susunod na buhay. Maraming, maraming salamat, Mama.